December 30, 2005, palapit ng palapit ang bagong taon, padumi ng padumi na rin dahil sa kalat ng basura mula sa mga paputok at handaan ng mga nakalipas na araw. Ang hinding hindi ko makakalimutan ay ang pahabol na dagdag polusyon ng mahuli ang mga ilegal na paputok (superlolo, mother rocket, five-star, big triangle, og, pla-pla, pillbox atbp.) na ginagawa sa Baliuag, Bulacan. Maganda ang nagawang ito ng Bulacan Provincial Police pero sa halip na matuwa, naasar, nabwisit, nairita, nainis ako sa mga ito. Bakit? simple lang, itinapon ito sa ilog, kaharap ang mga tao ng Bulacan at Media. Sa TV Patrol ko ito napanood. Nakakatawa lang dahil feeling hero ang mga ito habang tinatapon ang mga ilegal na paputok na gawa sa iba't ibang kemikal gaya ng carbon black, potassium chlorates, aluminum, sulfur, heavy metals and dextrin. Hindi ba nila naisip ang pinsalang maidudulot nito dahil sa tubig nila ito tinapon? Isa pang nakakainis ay wala man lamang nag react sa mga nakapaligid dito. Sa asar ko ay nag text ako sa DENR, yun nga lang hindi ko alam kung may gagawin sila. Sana maturuan ng leksyon ang mga ito. Napakasimple lang naman nun kung tutuusin at kahit sinong bata na kahit nasa elementarya pa lang ay maiisip na hindi tamang sa ilog itapon ang mga paputok na gawa sa kemikal. Sana lang hindi na ito maulit. Kung sabagay, isa lang ito sa pag pollute na nagagawa ng tao.
No comments:
Post a Comment