Pangalawang araw ng opisina sa taong 2006. Hindi ko inaasahan na makakarating ako ng LRT ng 7:10am dahil medyo late na akong umalis ng bahay. Sa ‘Special Boarding’ area ako sumakay para sa byaheng Monumento-Baclaran. FYI lang, doon yun kabilang side ng Monumento station kung saan ang byaheng Baclaran-Monumento ay magtatapos. Nagpapasakay sila ng mga kababaihan para makaupo na kaagad ang mga ito bago pa bumalik ang tren para sa byaheng Monumento-Baclaran.
Pagkalipas ng ilang minuto ay nakasakay na ako. Nasa dulong bahagi na ng riles ang tren at handa na para sa byahe pa-south ng sabihin ng guard na maaantala ang pagalis ng tren dahil may technical problem. Makalipas ang halos 15 minutes, mga 7:30 na noon, umandar din ito patungo sa unang station –Monumento. Paghinto nito ay sinabing maaantala ulit dahil nagkaron ng problema ang tren sa Bambang station. Maya maya ay code yellow 1 na daw. Hindi ko alam ang ibig sabihin ng mga code na yon basta ang alam ko malala na ang problema pag code red. Mga ilang minuto pa ay code yellow 2 na daw. Sinasabihan na nila na maaari ng bumaba ang mga gustong magcommute sa baba dahil hindi pa nila alam kung gaano katagal ang ipaghihintay namin. Marami na ngang pasaherong naiinis, kung bakit daw kasi hindi sabihin kung aandar ba o hindi para hindi mahirapang magdecide ang mga pasahero kung bababa o hindi.
Ang mga estudyanteng nasa harap ko ay nagpasyang mag commute na lang sa baba. Ako, nagdesisyon ako na huwag bumaba. Kadalasan kasi ang pinaka matagal ay 30 minutes. Kung bababa ako, madami ring pasahero sa baba kaya siguradong unahan sa FX at ang malala, traffic sigurado lalo na sa Blumentritt, D. Jose, Carriedo atbp. Pero ng umabot na ng 40 minutes, parang nagsisisi na ako at di ako bumaba. Bago mag isang oras ay umandar din ito. Ang mga pasaherong nagsibaba ay dali daling bumalik para makasakay ulit ng LRT.
Mas nakakatipid kasi talaga ng oras at pamasahe, lalo na sa mga malalayo ang byahe, ang pagsakay sa LRT. Pero sa mga ganitong pagkakataon, tulad ng nangyari sa akin, male-late ka ng 40 minutes.
No comments:
Post a Comment